Contributed By Dyaryo Pilipino

Kung may isang natatanging mensaheng naipahahayag ang mga pelikulang Pinoy tungkol sa Overseas Filipino Workers (OFWs), ito ay sa mata ng mga iniiwan nilang pamilya, hindi isang bayani ang una nilang nakikita. Sa halip, ang nakikita ng kanilang lumuluhang mga mata ay isang mahal sa buhay na kinailangang umalis dahil sa paniniwala na wala sa sariling bansa ang “magandang” kinabukasang kanilang inaasam para sa kanilang mga pamilya.

Sakripisyo ng ina

Mas madalas na ginagamit ang naratibo ng isang ina upang ihayag ang karanasan ng isang OFW sa pelikula man o sa telebisyon. Marahil ito ay dahil na rin sa nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga Pilipinong nag-aapply bilang domestic helper (DH) sa mga dayuhang bansa o pwede rin namang dahil sa stereotypical na pananaw na mas “malaking” sakripisyo para sa isang ina ang mawalay sa kanyang mga anak.

Tulad ng milyon-milyong Pilipinong sumusugal sa buhay-OFW, ang mga karakter nina Josie (Vilma Santos) sa 2000 movie na “Anak” at Medy (Pokwang) sa 2011 na “A Mother’s Story” ay larawan ng mga inang titiising mawalay sa kanilang mga anak para sa ikabubuti ng kanilang mga buhay. Mas mabuti para sa kanila ang isang pakikipagsapalarang walang katiyakan basta’t may bukas na oportunidad para makapagbigay ng maayos na buhay para sa pamilyang pansamantalang nilisan.

Napariwarang anak

Sa dalawang pelikulang nabanggit, kapwa iniwan ng mga pangunahing karakter ang kanilang mga anak nang sila’y mga musmos pa lamang. Ngunit para sa mga bata, hindi nila alintana ang hirap ng buhay basta’t magkakasama ang pamilya. Bagamat pilit iniintindi ng kanilang mga inosenteng isipan ang sakripisyo ng kanilang mga ina, hindi pa rin maiwasang maikubli ang pakiramdam ng pagkaabandona.

Ang karakter ni Claudine Barretto bilang Carla na anak ni Josie ang pinakatumatak na pagganap ng isang anak ng OFW sa pelikula sa nakalipas na dalawang dekada. Naging hudyat ng pagrerebelde at paglayo ng damdamin ni Carla kay Josie ang hindi pag-uwi ng ina sa burol ng asawang si Rudy (Joel Torre). Dahil sa ikinukulong siya ng kanyang employer kapag sila’y nagbabakasyon at hindi rin agad ibinibigay ang mga sulat na para sa kanya, huli na nang malaman ni Josie ang tungkol sa pagkamatay ng asawa.

Dahil sa naipong pangungulila at galit ay nahumaling si Carla sa paggamit ng droga. Bukod dito, kalaunan ay nalaman din ni Josie na hindi lamang isang beses nagpalaglag ng anak ang kanyang anak na si Carla. Sa paghupa ng tensyon matapos ang mainit na komprontasyon ng mag-ina, inihayag ni Carla ang lubos na pangungulila sa presensiya ng isang ina sa kanilang buhay.

Aniya:

“Siguro hindi ko lang talaga kilala ang sarili ko, kung ano ‘ko. Ang alam ko lang, lumaki ako na walang umaakay sa’kin. Alam mo ‘yun? ‘Yung walang nanay na nagsasabing magaling ako, na maganda ako, na espesyal ako. Siguro, ang talagang gusto kong sabihin – mas malaki’ng nawala sa’min no’ng iwan mo kami. Hindi kayang palitan ng kahit anong bagay, hindi kayang tumbasan ng pera – ikaw ‘yun eh, ‘yung nanay namin.”

Tulad ni Josie, sa pagbabalik ni Medy sa bansa ay hindi niya kilala ang kanyang mga anak, lalo na ang kanilang pag-uugali. Ang kanyang bunsong si Queenie (Xyriel Manabat), na sanggol pa lamang nang kanyang iwan, noong una ay hindi siya agad kinikilalang ina. Lingid naman sa kaalaman ni Medy, ang kanyang asawang si Gerry (Nonie Buencamino) at ang kaibigan nilang si Celia (Ana Capri) ay nagkaroon ng relasyon noong nag-OFW siya. Sinisisi naman siya ng panganay niyang si King (Rayver Cruz) sa pagkasira ng kanilang pamilya dahil sa pag-iwan niya sa kanila.

Buhay TNT

Naging malaking bahagi rin ng “A Mother’s Story” ang buhay-TNT o pagiging illegal immigrant ni Medy sa Amerika. Katulad ni Josie, nakatikim rin ng paghihigpit mula sa kanyang mga amo si Medy. Itinago rin sa kanya ang kanyang passport. Maliban pa sa abusong natatanggap mula sa mga among mag-asawang abogado, dinadaya rin pala siya ng kanyang kaibigang si Helen (Beth Tamayo), na binabawasan ang kanyang sweldo. Si Helen ang nagkumbinsi kay Medy na makipagsapalaran sa Amerika at nagdala kay Medy sa mga among abogado.

Sa tulong ng alagang si Cherry ay nakuha ni Medy ang kanyang passport at matagumpay na nakatakas mula sa poder ng mga amo. Ang pahayag rin ni Cherry ang nagbigay ng panalo kay Medy sa kasong isinampa niya laban sa mga dating amo. Pangunahing problema para sa mga hindi dokumentadong mamamayan, gaya ng kaso ni Medy na isang TNT, ang pang-aabuso sa kanilang mga karapatang pantao. Inaabuso sila dahil alam na takot silang maisumbong na wala silang kaukulang papeles.

DH na yaya

Tulad ng napapanood sa mga pelikula, kung saan napapalapit ang kanilang mga alaga sa Pinoy na domestic helper at yaya – na minsan pa nga ay mas nagiging close pa sa kanila kumpara sa mga tunay na magulang ng mga bata – ibang klaseng relasyon din ang nabuo ng mga DH sa Hong Kong sa kanilang mga alaga, na tampok sa dokumentaryong, “Sunday Beauty Queen.” Epektibong ipinakita ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016 Best Picture ang sitwasyon ng mga DH sa Hong Kong: may ilang sinusuwerte, habang may ilan ring nakaranas ng iba’t ibang kasawing-palad. May mga kwento ng pang-aabuso at pagtalakay sa mga kailangang suporta ng mga DH mula sa ating gobyerno.

Bagamat hindi isang Pinoy film, ang Singaporean film na “Ilo Ilo” ni Anthony Chen ay halaw sa kanyang karanasan bilang alaga ng isang Pilipinong kasambahay nila mula sa Iloilo. Mapapanood sa pelikulang pinagbidahan ni Gawad Urian-winning actress Angeli Bayani, bilang kasambahay na si Terry, ang lubos na pagpapamahal ng alaga sa kanyang yaya.

Pagkukulang ng gobyerno

Ang madalas naisasantabing usapin sa mga ganitong pelikula ay ang macro-perspective na dahilan kung bakit mayroong OFWs. Madalas humihinto na ang pagtalakay sa kwento sa loob ng tahanan: kailangang lisanin ang bansa para sa ikabubuti ng buong pamilya. Madalang na mabanggit ang kakulangan ng magandang oportunidad sa loob ng bansa at bakit nagpapatuloy ang kakulangan ng trabaho hanggang sa kasalukuyan.

Minsan rin ay naililigaw ng mga pelikula ang usapin sa pagsasabing isang kabayanihan ang pag-alis sa bansa para sa pamilya at para sa bayan. Nagiging rason ito upang maging katanggap-tanggap ang kakulangan ng gobyerno sa kanyang mga mamamayan.

 

Written By Dale Calanog