Contributed by Dyaryo Pilipino

Si Delia Villareal (dulong kaliwa) at Analyn Regulacion (gitna) kasama si Vice-Consul Robert Quintin ng Philippine Consulate sa Hong Kong.

Hindi lahat ng tao ay gustong magpabaril sa Luneta. Minsan, napipilitan lamang sila.

Ganyan ang kwento ng marami sa ating overseas Filipino workers (OFWs). Ilang dekada nang tinatawag silang “Bagong Bayani,” dahil sila ang naging tagasalba ng ekonomiya ng bansa. Malayo man sa isip nila ang pambansang ekonomiya nang mangibang-bayan sila, ang malaking remittance na ipinadadala nila sa bansa ay sabay na nagpabuti sa kabuhayan ng kanilang pamilya at ng Pilipinas.

Gaya ni Analyn Regulacion na isang single-parent.

“Ang pagiging OFW, unang una, para sa akin, hindi pinlano. Kasi hate na hate ko. Ayokong maging OFW kasi unang-una, ayokong iwanan yung anak ko,” aniya. “Kaso, sabi nga nila, may trabaho ka nga sa Pilipinas, hindi sapat.”

Sa halip na nag-aalaga sa anak na bata, namasukan siyang katulong sa Hong Kong kung saan nakaranas siya ng pagmamalupit at pang-aabuso ng una niyang amo.

Labing-walong taong gulang na ngayon si Leigh, ang nag-iisang anak ni Analyn.

Napilitan daw umalis si Analyn ng bansa dahil nagkaroon ng cancer ang kanyang nanay habang sanggol pa lamang si Leigh. Walang ibang makakapagtustos sa kanilang pamilya. Pinangarap daw niyang makapag-aral ang anak niya ng college at mabigyan ng magandang kinabukasan, kaya kahit alam niyang “kapit sa patalim” ang pagiging OFW, kinuha na niya ito bilang oportunidad.

Para kay Delia Villareal naman, domestic helper din sa Hong Kong, alam niyang wala siyang makukuhang mas maganda pang trabaho sa Pilipinas. Una siyang nagtrabaho dito sa bansa bilang saleslady kung saan kumita siya ng P25 kada araw. Lumipat siya sa isang kilalang malaking kompanya kung saan sumuweldo naman siya ng P60. Ngunit hindi pa rin ito naging sapat para sa pamilya niya.

“Hate” maging OFW

“Ako, hate ko talaga na pumunta dito pero ang nangyayari, kailangan kasi … Parents ko may sakit, tapos yung anak ko lumalaki na. Wala naman kaming stable job na mag-asawa. So kailangan ko talaga yun,” kwento ni Delia sa DYARYO PILIPINO. “Lalo na ngayon na college na yung tatlong anak ko tapos bedridden pa yung asawa ko dahil na-stroke siya.”

Na-terminate daw sa trabaho si Delia nito lamang nakaraag Hunyo kaya napilitan din siyang bumalik at manatili sa Pilipinas ng dalawang buwan hanggang sa maayos ang kanyang visa. Kwento niya, sa mga buwang iyon, walang mapagkuhanan ng pera ang pamilya niya.

“Wala akong naipon dahil nga may mga anak (akong) pinapaaral. Dumating yung point na ayaw mong umiyak pero tumulo yung luha mo dahil nakita mo yung mga anak mo na (pinaghahatian ang) isang pirasong galunggong,” aniya.

Prayoridad ang OFW

“I will give importance to the life, blood, and sweat of OFWs,” ito ang madalas na banggiting pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kampanya.

Tila naman tumatak ang pangakong ito sa mga OFW dahil nanguna sa boto ng overseas absentee voters si Duterte. Naitalang naging pinakamataas sa buong dekada ang overseas voter turnout sa eleksyon na iyon, ayon sa Commission on Elections (COMELEC).

Sa unang State of the Nation Address (SONA) naman ng Pangulo, sinabi niya ang ilang proyekto para sa mga OFW, na ang ilan ay agad-agad na naipatupad, gaya ng “one-stop shop” ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at OFW IDs. Kamakailan lamang ay naaprubahan na rin ang pagpapatayo ng isang OFW bank.

Gayundin naman, sa kanyang ikalawang SONA, ipinaalala muli ng Pangulo ang kahalagahan ng OFWs sa ekonomiya ng bansa.

“They are our heroes. They and their families have sacrificed much for the country. We all know how a large part of our economy comes from their remittances,” anang pangulo.

Sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA) – sa nakaraang limang taon lamang – mahigit dalawang milyong Pilipino na ang nangibang-bansa upang magtrabaho. Sa dami ng OFWs natin, hindi maitatangging malaki nga ang kanilang naitutulong sa ekonomiya ng bansa.

Base sa pag-aaral ng World Bank noong 2015, pangatlo ang Pilipinas sa buong mundo sa mga bansang nakakatanggap ng pinakamataas na remittances mula sa overseas workers. Kada taon, pataas nang pataas ang remittances na ito. Sa huling taon, umabot na ito sa $27-bilyon.

Dahil sa mga remittance na ito, nananatiling matatag ang ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa Center for Migrant Advocacy – Philippines, hindi na kaya ng bansang mabuhay ng walang emigrasyon.

Dahil sa malaking ambag nila sa pambansang ekonomiya, bayani ngang maituturing ang mga OFW. Ngunit gaya nina Analyn at Delia, napilitan lamang silang umalis ng bansa dahil sa kakulangan ng mga trabaho at oportunidad dito Pilipinas.

“Mas malaki rin syempre ang kinikita sa abroad (kung) ikumpara natin dun sa regular salary o minimum salary natin dito sa Pilipinas,” ani Aileen Constantino Peñas, deputy director ng Atikha Overseas Workers and Communities Initiative, Inc.

Ayon sa World Bank, kung hindi dahil sa labor emigration, tataas ang porsyento ng kahirapan ng Pilipinas.

“Kaya nga kapag sinabing OFW family, ang connotation sa’yo sa community (ay) you are blessed than those who are not (an) OFW family household,” dagdag ni Peñas.

Ngunit dapat nga ba nating ikatuwa ang palaki nang palaking populasyon ng OFW?

Mga babaeng OFW

Nagsimula ang polisiya ng Pilipinas sa labor export sa panguluhan ni Ferdinand Marcos. Ito ang naging paraan ng dating pangulo upang matugunan ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas. Dahil marami sa mga trabahong mapapasukan noon ay nakasentro sa produksyon ng langis sa Middle East, mas maraming lalaki ang unang lumabas ng bansa bilang mga manggagawa.

Mula noon, patuloy ang pagtaas ng bilang ng OFW kada taon. Noong 2014, nalampasan na ng mga kababaihan ang populasyon ng kalalakihang OFW.

Base sa datos ng PSA, ang nangungunang trabaho para sa mga OFW ngayon ay kabilang sa grupo ng “elementary occupation,” kung saan kasali ang domestic helpers. Naitatalang 34.5% ng ating OFW ang nasa sa grupong ito, at halos 87% ay binubuo ng mga kababaihan.

Feminized migration ang tawag sa phenomenon na ito kung saan mas maraming babae kaysa lalaki ang nangingibang-bansa. Ayon sa pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), ang Pilipinas ay isa sa nangungunang bansa na pagpapadala ng mga kababaihan sa abroad. Marami sa kanila ay mga nanay na may mga anak na naiwan sa Pilipinas, katulad nina Analyn at Delia. Katulad din ng mga ina ng mga kabataang kamakailan lamang ay naging biktima ng diumano’y extra-judicial killings na sina Kian Lloyd Delos Santos, 17; Raymart Siapo, 19, at Carl Arnaiz, 19. Noong nangyari ang pagpatay sa tatlo, nasa abroad bilang domestic helper ang kanilang mga ina: ang nanay ni Kian ay nasa Saudi Arabia, ang nanay ni Raymart nasa Kuwait, at ang nanay naman ni Carl nasa Dubai.

“Iba yung pangangalaga ng mga nanay… yung nurturing role ng mga nanay” ani Peñas. At siyempre iba pa rin mangalaga ng pera kung ang nanay ang naiwan sa bahay.”

Dahil sa kahirapan, hindi masisisi ang mga magulang na pinipiling iwan ang pamilya para magtrabaho sa ibang bansa. Sa karanasan ni Peñas sa Atikha, marami daw silang nakakausap na OFW na napilitang umalis para lamang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya.

Utang ng OFW

Sa saglit na pamamalagi dito ni Delia noong na-terminate siya, muli na namang nabaon sa utang ang kanilang pamilya. Kaya marami siyang kinailangang bayaran sa pagbabalik niya sa Hong Kong. “Akala nila ang sarap ng buhay (OFW). Ang hirap talaga, as in. Parang Pilipinas din, kasi yung pera mong natanggap, pag-ipon mo wala na eh. Sa Pilipinas din, ganun din. Kaya walang pinagkakaiba kung pagtutuusin. Hirap din kami dito.”

Ayon kay Peñas, isang problema ng mga OFW ang pagkakaroon ng “luxurious lifestyle” ng kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.

“Paglaki ng kita, paglaki ng gastos. Pero ang isang impact din noon, dahil sa malaki (ang) kita, mataas ang dependency ng mga pamilyang naiiwan doon sa family member sa abroad. For example, nanay ang umalis, yung mga tatay minsan tumitigil sa pagtrabaho,” aniya.

Noong nagsimula si Analyn bilang OFW, tinustusan niya hindi lamang ang nanay at anak niya kundi pati na rin ang mga kapatid niya. Para sa mga mahal niya sa buhay, tiniis niya ang pagiging OFW.

Para kay Analyn, importante ang mga programang makakatulong na itaas ang financial literacy, o pagiging maalam sa paghawak ng pera, ng OFWs. Nakasali si Analyn sa isang programa ng financial literacy sa pangunguna ng pribadong sektor. Umaasa siyang magkakaroon din ng maraming ganitong programa ang gobyerno para sa pagkakatuto ng OFW sa tamang pagbabadyet at paggastos ng pera.

Tagapagligtas ng bayani

Natutuwa si Analyn sa mga pagbabagong nakita para sa mga gaya niyang OFW, gaya ng suspensiyon ng pagbabayad nila sa Overseas Employment Certificate (OEC). Nararamdaman daw niyang pinakikinggan na sila ng administrasyon simula noong nagpunta ang Pangulo sa Hong Kong.

Sa kabilang banda, lubog pa rin sa utang si Delia habang tinitiis ang pagkakalayo niya sa pamilya.

Alam din ni Analyn na maraming OFWs ang nahihirapan pa rin sa reintegration program ng Overseas Workers Welfare Association (OWWA) kung saan pinapayagan ang mga OFW na mangutang ng mula P100,000 hanggang P2-milyon ngunit may hinihinging collateral.

Kahit pa sa palagay ni Analyn ay mas mapalad siya dahil mas naaalagaan ang OFWs sa Hong Kong kumpara sa mga OFW ng ibang bansa, mas pipiliin pa rin niyang kapiling na lang niya ang anak.

“Kung kailan nakaipon na, tsaka makakauwi na rin ako, diba?” Nangako raw si Analyn na babalik na siya ng Pilipinas pagkatapos ng kolehiyo ni Leigh.

Gaya nina Analyn at ng marami pang OFWs, tuloy-tuloy lang ang sakripisyo maiahon lang sa kahirapan ang pamilya. Bukod sa pamilyang natutustusan ang pangangailangan, ang ekonomiya ng bansa ay napapanatili ring malakas. Hindi man nila pinlano at ginusto, ang pagsasakripisyo nila’y naging sakripisyo rin para sa bayan.

Ngunit sa panahon ng kagipitan, sino ang magsasakripisyo bilang maging tagapagligtas ng ating mga modernong bayani?

 

Written By Danielle Uy