Contributed By Dyaryo Pilipino

Kumpletong papel at madaming tibay ng loob

Ang dalawang taon ko sanang plano na magtrabaho dito sa Milan ay inabot na ng dalawang dekada. Inabot na ako ng ganito katagal dito.

Kabilang ako sa mga kababayan nating naglakas-loob pumasok dito bilang turista pero ang tunay na layon ay magtrabaho. Kabilang din ako sa mga nag-apply at nabigyan ng amnesty ng gobyerno ng Italy noong 1999. Sa dami ng undocumented at illegal migrants sa Italy nang mga panahong iyon, nagkaroon sila ng Immigration Act noong 1998 na naging basehan ng pagbibigay ng amnesty nang sumunod na taon.

Iwas-pressure at iwas-stress kung tama at kumpleto na ang papel pagpunta dito. Iyan ang maipapayo ko sa ating mga kababayan. Kung kumpleto ang papel, protektado din tayo ng batas nila dito para sa gaya nating foreign workers.

Isa pang payo, kung talagang may balak tayong magtrabaho nang malayo sa pamilya, dapat ay marami tayong baong tibay ng loob. Masakit, mahirap, at malungkot ang mapahiwalay sa pamilya. Kasama ko ang Ate ko nang pumunta ako dito noong 1997. Gayunpaman, hindi pa rin ako nakaligtas sa pagka-homesick. Ang hirap na hindi ko alam ang lenggwahe ng mga dinatnan ko. Ang hirap ding wala ang kanin at ulam na nakasanayan natin sa Pilipinas. Ala eh, mabubusog ga naman ako sa puro tinapay?

Nakita ko ang naging kalagayan ng iba nating kababayan dito na natalo ng pagka-homesick. Dahil sa lungkot, nagumon sila sa alak; ang iba naman ay sa droga. Napakasakit na makitang ang kababayan nating naghangad ng mas maganda sanang buhay sa Italy ay unti-unting napapariwara. Kaya iyon ang naging eye-opener sa akin. Wala akong balak umuwi sa Pilipinas dahil sa lungkot. Para labanan ang lungkot, naging aktibo ako sa church kung saan halos lahat ng miyembro ay Pilipino rin. Kung wala ako sa Panginoon, baka sa bisyo rin ako napapunta. Salamat sa Panginoon na higit pang nagpatibay sa loob ko.

Pagod man ang katawan sa trabaho, sa tingin ko ay magtatagal pa rin ako dito. Caregiver ako ngayon dito. 20 years ago, nagsimula ako bilang baby-sitter. Kahit papaano ay may ilan na rin akong naipundar sa Pilipinas.

Dito rin nagtatrabaho ang asawa kong si Aldo at dito na rin mag-aaral ang anak naming si Bella. Gayunpaman, proud Filipinos pa rin kami. At very proud na Batangueña ako!

20 years na sa Italy si Gelli. Nasa Italy ang pinakamataas na populasyon ng Overseas Filipino Workers sa labas ng Asya. Sa Batangas naman nanggagaling ang pinakamaraming Pilipinong nagtatrabaho sa Italy.

   

Written By Gelli Comia-Orola