Contributed By Dyaryo Pilipino

“Uy, huwag mong galawin iyang mga halaman! Tunay iyang mga iyan!”

Halatang nagpa-panic ang asawa ko. Hindi malaman kung paano ako aawatin. Paano ba naman, kalalabas ko pa lang ng Immigration Point ng Changi International Airport ay pinaglalapirot ko na ang mga nakita kong halaman sa Arrival Hall ng Terminal 2. Kaygaganda! Pero … sabagay maganda talaga pag peke, sabi ko. Iniisa-isa ko silang sinuri, at siyempre, iyon na nga, pinagkukurot. Sinigurado kong tama ako sa husga ko – na peke sila.

“Tigilan mo na iyan,” pagalit na sabi ng asawa ko. “Kararating mo pa lang, gulo yata ang gusto mong pasalubong,” dagdag pa niya. Pero di talaga ako mapakali. Namitas ako ng mga dahon hanggang sa naramdaman ko ang pagpatak ng dagta. Hala! Tunay sila! Lagot ako kay Mr. Airport Police!

Iyon ang unang pagdating ko dito sa Singapore, 21 taon na ang nakakaraan. Matagal na rin. Pero, sa totoo lang, ang paghanga sa Singapore na naramdaman ko noong araw na iyon ay dala ko pa rin hanggang ngayon. Para kasing ang hirap paniwalaan na nakagawa sila ng malusog na garden sa loob mismo ng Changi International Airport. 

***

Nitong nagdaang August 9 ay nagdiwang ang Singapore ng 52nd National Day at gaya ng aking personal na nakagawian, binibilang ko sa isip ko ang mga bagay na gusto ko patungkol sa Singapore. Unang-una sa aking listahan ay ang pagiging bukas ng Singapore sa foreign talents (mga dayuhang manggagawa) tulad ng mga Filipino. Dahil meritocratic ang Singapore, ang mga empleyado dito, pati mga Filipino, ay nabibigyan ng magandang trabaho at pasahod ayon sa kaalaman at kakayahan, hindi base sa politikong padrino o kaibigang may kapangyarihan. Sa Singapore, magagawa ng isang Filipino ang umunlad nang hindi na kailangang manghagod ng likod ng may likod. Ang masipag, maalam, at masinop sa trabaho ay maaaring mag-reinvent ng kaniyang sarili, tungo sa mas masaganang kinabukasan dahil nga sa kinikilala ng Singapore ang buod ng tinatawag na meritocracy.

***

Si Peter Jubane ay nagtapos ng architecture sa isang maliit na eskwelahan sa Butuan City, Agusan del Norte. Hindi naman sa lahat ng panahon pero kadalasan, ang mga katulad niya na hindi nanggaling sa mga sikat na mga unibersidad sa Pilipinas ay mangangailangan pa ng koneksyon upang makakuha ng trabaho sa atin. Dito sa Singapore, si Peter ay hindi lang basta arkitekto; may katungkulan siya sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Dahil iyan sa sipag at sinop niyang magtrabaho, siyempre isama na rin natin na lagi din siyang nagdadasal para sa career niya.

Sa Singapore, may chance umangat ang bawat mabuting manggagawa.

Majulah, Singapura! Onward, Singapore!

 

Tubong Mindanao si Detchie Mercado. Dalawang dekada mang naninirahan at nagtatrabaho sa Singapore, Pilipinas pa rin ang itinuturing niyang tunay na tahanan.

Written By Detchie Nonan-Mercado