Contributed By Dyaryo Pilipino

Kaya gustong-gusto ko ang Singapore dahil parang nasa gitna ka ng hardin kahit nasa siyudad ka. Hindi mo na kailangang pumunta sa malayo para maghanap ng parke. Sa gilid-gilid lang ng Orchard Road (isa sa pinakamataong lugar sa Singapore) ay marami kang makikitang marikit na mga halaman na halatang pinagtitiyagaang alagaan.  Tama talaga ang bansag ditong “Garden City” dahil hindi ka na kailangang magbayad ng entrance fee para makakita ng mga naggagandahang tanim at mga puno. Sabi ko nga, sa ibang lugar halos resort o lugar na may bayad lang ang may ganoon kagandang kapaligiran. Pero dito sa Singapore, may East Coast Park, Pasir Ris Park, Sembawang Park, Macritchie Reservoir at marami pang ibang lugar na puwedeng pasyalan ng publiko nang libre!

Sa totoo lang, ang buong Singapore ay mistulang hardin talaga, lalo na kung mahilig kang maghanap ng lugar para magdasal o makipag-usap sa Diyos. May mapupuntahan kang magandang lugar dito, kahit na iyong mga hindi naman nalalathala bilang tourist spots!

Nakatira ako sa Sembawang. Pagmamay-ari ko ang isang tanawin dito; ang daan papuntang palengke sa gawi namin ay may malaking open field na sa dulo ay may mga punungkahoy. Kakaibang mangha ang nararamdaman ko tuwing dumadaan ako dito. Sa isip ko (sa isip ko lang ha) “akin” itong tanawin na ito. Personal kong lugar, inspirasyon ng aking mga “Salamat po, Lord, talagang walang katulad ang inyong orihinal na gawa!”

***
Tanong: Mga halaman lang ba ang nagugustuhan mo sa Singapore?

Sagot: Hindi naman.

Saludo ako sa sistema ng kanilang sasakyang pampubliko. Ang train at bus nila ay halos hindi nahuhuli sa schedule. Nakakahiya na lang talaga kung gagawin mong dahilan ang bus o train sa pagka-late mo sa trabaho o meeting. Pasensya na. Dito hindi iyan uubra.

Saludo ako sa maingat na pagpaplano ng pamahalaan ng Singapore. Talagang sinadya nila na ang bawat lugar ay may library. Sa mga magulang na gustong ituro sa mga anak ang pagbabasa, at sa mga katulad kong mahilig magbasa, ito ay malaking bagay. Isipin mo, hindi ka na kailangang pumunta sa eskwelahan para makahiram ng libro. Kadalasan ang library dito ay nasa isang shopping mall na pinakamalapit sa train station. Kahit sino puwedeng pumasok at pag may kaukulan kang card ay puwede kang manghiram ng aklat.

 

Pilipinong-Pilipino man sa puso, malaking selebrasyon din para kay Detchie Mercado ang Singapore National Day tuwing Agosto 9.

Written By Detchie Nonan-Mercado